3 drug suspects tumba sa raid

MANILA, Philippines -  Tatlong drug suspects ang nasawi sa magkahiwalay na pagsalakay sa drug den na isinagawa ng pulisya sa Pasay City at Caloocan City.

Sa Pasay, dalawa ang tumumba habang arestado naman ang isa nilang kasamahan, nang mauwi sa engkwentro ang isinagawang anti-illegal drug operation, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga napatay na suspek na sina Vimar Gaton, 24, at Reynaldo Bermo, alyas Buri, 45 habang ang naaresto naman ay nakilalang si Zaldy Quiban, alyas Boy Tisoy, 45, pedicab driver, residente ng Block 20, Lot 29 Brgy. FVR Norzagaray, Bulacan.

Dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang engkwentro sa bahay ni Bermo sa F. Munoz Street.

Sa isinagawang raid, naaktuhan  ng mga pulis ang mga suspek na umano’y nagpa-pot session sa naturang bahay ngunit nang makita ng mga ito  ang pagdating ng mga pulis ay kaagad na nagpulasan ng takbo ang mga ito sa iba’t ibang direksyon.

Sina Gaton at Bermo ay tumakbo sa ikalawang palapag ng bahay at nagpaputok ng baril sa direksyon ng mga awtoridad kaya’t napilitan ang mga pulis na gumanti ng putok, na nagresulta sa kanilang kamatayan. 

Si Quiban, na kasama naman umano sa nagpa-pot session, ay nakorner ng mga pulis sa isang kuwarto ng bahay at kaagad na inaresto.

Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang isang kalibre .22 na baril, kalibre .38 revolver, tatlong plastic sachet ng shabu at drug paraphernalia.

Samantala sa raid naman sa Caloocan nakilala ang nasawing suspect na si Richard Pilapil ng Bagumbong Road, Brgy. 171.

Isinagawa ang raid sa San Jose Dulo, Caloocan City, kahapon ng madaling araw kung saan naaresto rin ang mga kasamahan ng nasawi na sina Edgar Anover;  Leonard Tanalas; at Reynaldo Gulferic,  na sinasabing bagong laya lamang sa kasong frustrated homicide.

Papalapit pa lamang umano sa nasabing kubo ang mga pulis nang mapuna ni Pilapil, na agad umanong bumunot ng baril at sinalubong sila ng putok.

Nakipagpalitan ng putok ang mga operatiba ng DEU hanggang sa makitang tumumba na si Pilapil dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Sa beripikasyon ng awtoridad, pawang nasa drug watchlist ang mga suspek.

Show comments