MANILA, Philippines - Himas rehas ngayon ang isang menor de edad na lalaki makaraang arestuhin ng Quezon City Police District (QCPD) matapos na kikilan ng halagang Php 5,000 ang kanyang menor de edad ding ex- girlfriend kapalit ang hindi pagpapalabas ng mga hubad na larawan nito sa internet sa lungsod.
Ayon kay QCPD Director, Police Chief Supt. Guillermo Eleazar, ang suspek ay nasa edad na 16 anyos na nahaharap sa kasong sextortion ay nasa pangangalaga ngayon ng City Social Welfare and Development (CSWD).
Dagdag ni Eleazar, bilang pagtalima sa batas para sa karapatan ng mga kabataan hindi nila inilabas ang tunay na pangalan at tirahan ng mga nasasangkot na menor de edad.
Base sa inisyal na pagsisiyasat, nag-ugat ang pag aresto sa menor de edad na binatilyo nang humingi ito ng nasabing salapi sa ex girlfriend kapalit ang mga larawang hubad nito para hindi mailagay o mai-upload sa isang social media.
Dahil dito, humingi ang dalagita ng tulong sa District Special Operations Unit (DSOU) na agad na nagsagawa ng isang entrapment operation sa PS Bank Commonwealth, Brgy. Holy Spirit, dakong alas 9:30 ng gabi na ikinaaresto ng binatilyo.
Nasamsam sa kanya ng otoridad ang boodle money at isang Alcatel one touch mobile phone na naglalaman ng mga nasabing larawan.
Samantala, inaresto naman ng Galas Police Station (PS-11) ang suspek na si Niel Elizaga, 47, ng Zamboanga Alley, Bagong Barrio.
Bago ito, dakong alas 7:55 ng umaga, nakatanggap ang BPSOs ng Brgy. Tatalon ng tawag kaugnay sa isang walang malay na tao na nakahiga sa kahabaan ng G. Araneta Ave.. Agad ding itinawag ng barangay ang insidente sa PS-11 at nagtungo sa lugar.
Pagdating sa lugar, nakita nila si Elizaga at nang hanapan ng identification ay nakuha ang limang sachets ng shabu, isang digital weighting scale at isang PNP ID na nakapangalan sa kanya.
Sa pagsisiyasat, nabatid na si Elizaga ay hindi isang miyebro ng Philippine National Police (PNP).
Kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa laban kay Elizaga.