MANILA, Philippines - Isang dating empleyado ng Department of Transportation and Communication (DOTC) at driver nito ang nadakip ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) makaraang makuhanan ng aabot sa P1 milyong halaga ng shabu matapos isagawa ang isang buy bust operation laban sa kanya sa kanto.ng Mindanao Avenue, Quezon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni QCPD director Chief /Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang mga suspek na sina Gladwin Balaguer, alyas Weng, 39, ng Brgy. Sta.Lucia, Novaliches at driver nito na si Joel Taruc, 38, ng Brgy. Nagkaisang Nayon, ng nasabi ring lungsod.
Sila ay naaresto ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) at ng Talipapa Police Station 3 ng QCPD, dagdag ni Eleazar.
Bukod sa droga, nakuha pa kay Balaguer ang kanyang DOTC ID na may Employee No. 2001-0364 na nakatalaga sa Transport Division subalit matagal na palang wala ito sa nasabing ahensiya.
Sa pagsisiyasat, naganap ang operasyon dakong alas-4:30 ng hapon sa kahabaan ng Congressional Road malapit sa kanto ng Mindanao Avenue.
Nakatunog umano ang mga suspek na pulis ang katransaksyon kaya nagtangkang tumakas ang mga huli sakay ng kanilang kulay itim na Toyota Fortuner (WIN-18) pero agad din silang nasukol sa Mindanao Avenue at naaresto.
Narekober sa sasakyan ni Balaguer ang apat na pakete ng shabu na tinatayang nasa 200 gramo at may street value na tinatayang nasa P1 milyon, digital weighing scale, anim na bala ng cal.45 na baril, mobile phone, isang piraso ng LTO license plate TVQ -227 at ang buy-bust money na P1K.
Ayon pa kay Eleazar, nasa watchlist ng QCPD-DDEU ang mga suspek na halos isang buwan na sa ilalim ng Coplan Iceberg.