MANILA, Philippines - Isa na namang tinaguriang ‘‘Ninja cop’’ ang inaresto kasama ang dalawang sibilyan makaraang makuhanan ng iligal na droga sa isang buy-bust operation na ikinasa laban sa kanila ng mga tauhan ng anti-drug group ng Quezon City Police sa Brgy. San Vicente sa lungsod.
Sa ulat kay QCPD Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar, nakilala ang mga suspek na sina Arsenio David Jr., 55, isang AWOL (absent without official leave) na pulis at mga sibilyang sina Lucila Palencia, 44, at kinakasamang si Arnold Blanco, 42, pawang mga residente ng Marikina City.
Isinagawa ang operasyon sa Commonwealth-Philcoa, Brgy. San Vicente QC, dakong alas-10 ng gabi.
Bago ito, matagal umanong minanmanan ng mga awtoridad ang galaw ni David makaraang mabatid na kumapit na ito sa pagbebenta ng shabu.
Nang magposotibo ang pagmamanman ng mga operatiba kay David ay saka ikinasa ang buy bust-operation na nagresulta sa kanyang pagkaka-aresto kasama ang mag live-in-partner.
Narekober mula sa kanya ang anim na piraso ng sachet ng shabu, mga drug paraphernalia, dalawang piraso ng cellphone, isang swiss knife at buy bust money.
Sabi ni Eleazar, si David ay dating pulis na na- AWOL noon pang taong 2015 hanggang sa tanggalin ang pangalan niya sa listahan ng PNP noong nakaraang April 2017.
Ang kanyang naging huling assignment ay sa PS9 at Fairview Police Station 5.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang comprehemmnsive dangerous drug act of 2002 ang kinakaharap ng mga suspek.