MANILA, Philippines - Patay ang isang barangay kagawad makaraang tambangan ng hindi nakikilalang salarin habang sakay ng isang tricycle sa Novaliches Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Sa ulat ni PO3 Anthony Tejerero, nakilala ang biktima na si Edwin Drueco, 42, ng Robina Rd., Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, sa lungsod.
Nangyari ang insidente sa harap ng Carpel Corp. warehouse na matatagpuan sa General Luis St., ng naturang barangay dakong alas-11:30 ng umaga.
Bago ito, sakay umano ang biktima ng isang tricycle na minamaneho ng isang Robert Marcelino kung saan nakaupo ang una sa likurang bahagi ng huli. Habang tinatahak ang kahabaan ng General Luis ay nakarinig na lang umano si Marcelino ng malakas na tunog dahilan para siya huminto.
Nang tignan ni Marcelino ang kanyang likuran ay saka nakita ang biktima na duguang nakadapa na sa semento.