High-tech na gamit ng QCPD
MANILA, Philippines - Mas mapapadali na ang pagkilala ng Quezon City Police District (QCPD) sa sinumang indibiduwal na nasasangkot sa krimen dahil sa makabago at high tech na mga kagamitan sa pagguhit ng larawan o ang Digital Composite Sketch gadgets.
Ayon kay QCPD Director P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ito ay makaraang magkaloob ng 12-piraso ng Digital Composite Sketch Appliance na nagkakahalaga ng P18.6 milyon ang Quezon City local government sa pangunguna ni Mayor Herbert Bautista sa kanilang himpilan.
Sabi ng opisyal, kung dati ay halos hindi makita ang larawan ng mga suspek na nakukunan ng CCTV footage sa bawat krimen na kanilang ginagawa, sa ngayon ay magiging madali na ito bunga ng naturang mga kagamitan.
Sinabi pa ni Eleazar, malaki ang matutulong ng nasabing mga high tech na kagamitan sa paglutas ng kriminalidad, dahil dito ay malinaw uma-nong maiguguhit ng computer ang mga mukha ng mga suspek base ito sa magiging description ng isang witness.
Ilalagay ang nasabing mga Digital Composite Sketch Appliances sa 12 Police Stations ng QCPD para magamit sa investigation at mabilis na mailabas ang larawan ng mga individual na sangkot sa krimen.
Hindi rin umano mahirap gamitin ang nasabing Digital facial appliances dahil kahit umano hindi artist ay mada-ling makakaguhit ng larawan o sketch ng suspek base lang sa ibibigay na description ng testigo.