MANILA, Philippines - Tatlo katao kabilang ang isang miyembro ng ‘‘Bantay Bayan’’ at dalawa nitong kaanak ang nasawi matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan na nakasuot ng bonnet sa Mandaluyong City kamakalawa.
Sa ulat ni Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Romulo Sapitula, bandang alas-4 ng hapon kamakalawa nang pasukin ng hindi pa nakilalang mga armadong suspect ang tahanan ng isang pamilya sa Brgy. Malamig ng lungsod.
Agad na pinagbabaril ng mga armadong suspect ang mga biktimang sina Chito Jomaquio, 45, miyembro ng Bantay Bayan sa Brgy. Malamig; hipag nitong si Rosalinda Jomaquio, 45 at pamangking si John Carlo Jomaquio, 24; pawang nakatira sa Barangka Drive, Brgy. Malamig ng lungsod.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Sapitula ng pinasok ng apat na hindi nakilalang mga suspect na pawang nakasuot ng bonnet ang bahay ng mga biktima at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga ito.
Ayon kay SPO1 Lawrence Punzalan, may hawak ng kaso na sina Chito at John Carlo ay nasa may sala nang pasukin ng mga suspek habang si Rosalinda ay naliligo naman sa ikatlong palapag ng kanilang tahanan ng pasukin ng mga armadong suspect kung saan ang mga ito ay pinadapa pa saka pinagbabaril.
Ang mga suspect ay mabilis na nagsitakas habang mabilis namang isinugod sa pagamutan ang mga biktima pero idineklara na ang mga itong dead on arrival sa Mandaluyong City Medical Center.
Narekober naman ng mga nagrespondeng Scene of the Crime Operatives (SOCO) team ang pitong mga basyo ng baril na ginamit sa krimen.
Sinabi ni Sapitula, isa sa mga sinisilip na motibo sa krimen ay ang anggulo ng illegal na droga dahilan sina Chito at Rosalinda Jomaquio ay mga dating nakatala sa drug watchlist ng Mandaluyong City Police.