Kasambahay hulog sa footbridge, patay

MANILA, Philippines -  Isang kasambahay ang nasawi matapos itong mahulog mula sa footbridge ng Metro Manila Development Authority (MMDA),  kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Dead-on-arrival sa Pasay City General Hospital  (PCGH) ang biktimang si  Leah Sabadlay,  33,  naninirahan sa Estrella St., Brgy.  Guadalupe, Makati City, sanhi ng tinamong matin-ding pinsala sa ulo at bali ang mga buto nito.

Ayon sa report na na-tanggap ng Station Investigation and Detective Ma-nagement Branch (SDMB), Pasay City Police,  naganap ang insidente alas-9:30  kamakalawa ng gabi sa footbridge ng MMDA sa may Rotonda, EDSA-TAFT Avenue ng naturang lungsod.

Sa pahayag ng live-in partner ni Sabadlay sa mga pulis na si Edgar Baldios, 45, kapwa sila nakainom ng biktima at naisipan nilang bumi-li ng sigarilyo at naglakad  sila sa naturang  foodbridge.

Hindi naman napuna ng biktima na sa kanyang tuloy tuloy na paglalakad ay wala na sa likuran ang kanyang kinakasama.

Dahil dito ay hinintay ng biktima ang kinakasamang si Baldios at hindi nito napansin na ang isang bahagi ng footbridge ay walang harang kung saan bigla itong  sumandal kaya’t tuluy-tuloy  na nahulog  sa ibaba at unang bumagsak ang ulo nito sa semento.

Inaalam na ngayon ng mga awtoridad kung nahagip ng CCTV) camera ang insidente upang mabatid kung aksidente at walang  naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima.

Ang labi ng biktima ay inilagak na ngayon sa Veronica Funeral Homes upang ipa-autopsy. 

Show comments