MANILA, Philippines - Arestado ang apat na miyembro ng isang carnapping group na rumerenta ng sasakyan bago tangayin sa ikinasang entrapment operation matapos ang serye ng pakikipagnegosasyon sa Caloocan City.
Nakilala ang mga suspek na sina Catherson Culi, may alyas na “Katkat at Duterte”, 40, ng Block 4,Lot 6,Silvercrest Subdivision, Habay-1, Bacoor, Cavite; Arnulfo Cuyo, 49, ng Marbella Tower 1, Roxas Blvd., Pasay City; Freddie Delizo, 41, ng No. 41 Pine Crest 2 New Port City, Pasay City; at Jeany Mendiola, 29, tubong Cotabato City.
Base sa ulat ng pulisya, unang nakipagtransaksyon si Mendiola, sa biktimang si Darius Rodrigo, 37, transport service operator, noong Enero 23 at umarkila ng isang behikulo para ihatid siya mula Baguio hanggang airport.
Nagkita sina Rodrigo at Mendiola sa isang fastfood store sa Guiguinto, Bulacan ngunit hindi naipaarkila ang Toyota Grandia dahil sa number coding.
Sa halip, ipinahatid na lamang ni Rodrigo si Mendiola sa kanyang tsuper na si Romie Trinidad sa Maynila sakay ng personal niyang Mitsubishi Montero Sport (AAB 4646).
Nagpahatid si Mendiola sa Monumento, Caloocan City at ipinaparada sa tapat ng isang botika at pinakiusapan ng una si Trinidad na bilhan siya ng gamot sa sakit sa ulo na sinunod naman ng huli ngunit pagbalik niya sa parking area ay nawawala na ang kanyang sasakyan.
Nang rebisahan ng pulisya ang kuha ng CCTV sa lugar, nakita na may ilang suspek na pumasok sa sasakyan at itinakas ito.
Nagpatuloy naman ang transaksyon nina Rodrigo at Mendiola kung saan nanghihingi ng pera ang huli para magbigay ng impormasyon ukol sa mga taong tumangay ng sasakyan.
Nang magbigay ng Smart Pera Padala account ang suspek, dito natukoy ang lugar at nagkasa ng entrapment operation ang mga pulis sa may Seaside, Baclaran, Pasay City noong Pebrero 3 na nagresulta sa pagkakadakip kay Mendiola.
Kinabukasan ng Pebrero 4, nakatanggap ng tawag si Rodrigo buhat sa isang nagpakilalang Duterte at nais umarkila ng sasakyan. Nagkasa muli ng panibagong entrapment operation ang Caloocan City Police sa isang fastfood store sa EDSA-Monumento na nagresulta sa pagkakadakip ni Culi, alyas Duterte; at dalawang kasabwat.
Sa imbestigasyon, nabatid na si Culi ang lider ng kanilang grupo at target ang mga “car-for-rent”.
Nabatid rin na isinanla ang Montero ni Rodrigo sa halagang P230,000 sa isang alyas “Alex”, isang financier sa casino sa Winford Hotel sa Tayuman, Maynila.