MANILA, Philippines – Umakyat na sa sampu katao ang nasasawi sa pagsabog ng Liquefied Petrolium Gas (LPG) refilling station sa Pasig City noong Enero 11.
Nabatid mula kay Senior Insp. Anthony Arroyo, hepe ng investigation unit ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Pasig City na ang tatlong huling nasawi ay sina Domingo Guira, 29, Raymart Eda, 22 at Joel Eda 28 pawang mga empleyado ng sumabog at nasunog na Omni Gas Corparation.
Si Joel ay nasawi noong Huwebes, si Raymart ay Biyernes habang si Domingo ay alas-12:00 ng tanghali kahapon.
Una sa tatlo ay magkakasunod din nasawi ang pito sa mga naisugod sa pagamutan na pawang nagtamo ng 90-95 percent na lapnos at sunog sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan dahil sa naganap na insidente.
Ayon kay Arroyo, 21 katao ang malubhang nasugatan nang mangyari ang aksidente na dulot ng gas leak at pagsabog sa pasilidad.
Nabatid na 11 pa sa mga biktima ay nananatili pang ginagamot sa iba’t-ibang pagamutan.
Kasalukuyang nagra-rush sa trabaho ang mga tauhan ng Omni Gas Corporation nang maganap ang pagsabog dakong ala-1:06 ng madaling araw noong Miyerkules (Enero 11) sa Sandoval Street sa Barangay San Miguel, Pasig City.