MANILA, Philippines - Isang hinihinalang holdaper ang nasawi makaraang makipagbagbakan sa mga tropa ng Quezon City Police ilang minuto matapos na respondehan ng mga huli ang isang lalaki na umano’y kanyang biniktima sa may Brgy. West Triangle sa lungsod, kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang nasawing suspect na si Jerry Sibug, 30, ng Sitio San Roque, Agham Road, Brgy. Bagong Pag-asa, QC.
Sa pagsisiyasat, si Sibug ay nanlaban umano sa mga operatiba ng Masambong Police Station 2, ng QCPD na hiningan ng tulong ng biktimang nakilalang si Jeffrey Bautista, 31, buy and sell agent, ng Brgy. Ramon Magsaysay, Bago Bantay, Quezon City.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng West 6th St., Brgy. West Triangle, dakong alas- 2:30 ng madaling araw habang ang biktima ay nagla-lakad sa naturang lugar nang harangin umano ng suspect na si Sibug at tutukan ng baril.
Kasunod nito, biglang inagaw umano ni Sibug ang shoulder bag ni Bautista na naglalaman ng CCK Duke 3 cellphone (P2,000) at cash na P10,300, bago naglakad patakas patu-ngong Quezon Avenue. Agad namang nagtungo si Bautista sa PS-2 at humingi ng tulong.
Sa isinagawang follow-up operations naispatan ang suspek na tumugma sa diskripsyon ibinigay ng biktima dahilan para lapitan nila ito at pahintuin.
Subalit sa halip na sumunod ay nagbunot ng kanyang baril ang suspek at pinaputukan ang mga operatiba sanhi upang ma-uwi sa palitan ng putok na ikinasawi ng suspect.