Traslacion ng Poong Nazareno ikinasa

MANILA, Philippines – Abala na ang Minor Basilica Church sa paghahanda para sa darating na Traslacion 2017 sa Enero 9 na may temang “Pag-ibig ang Buklod ng Ganap na Pagkakaisa.”

Isinagawa na kahapon ang isang briefing sa simbahan bilang bahagi ng paghahanda at inilabas na rin ang opisyal na logo para sa naturang malaking selebrasyon.

Nasa gitna hanggang  sa itaas na bahagi ang imahe ng Senior Nazareno at sa gitna nito ang hugis ng mga tao na sumisimbulo sa samba-yanang mananampalataya, isang patunay na hindi ang mamamayan ang nagdadala sa Panginoon, kundi ang Panginoon ang Siyang tunay na nagdadala sa sambayanan.

Bukod pa rito ay makikita rin ang katesismo na “Huwag Kang Papatay” na nilinaw naman kahapon ni Quiapo Church Parochial Vicar Fr. Douglas Badong na hindi  ito tumutukoy bilang kampanya laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mga nagaganap na pata­yan sa ‘‘war on drugs’’ kundi ito ay mahalagang utos ng Diyos kagaya ng “Huwag Kang Magnakaw”.

Gayunman, ang mala-king banner naman ng “Huwag Kang Papatay” ay ka­pansin-pansin dahil ito ay nakalagay sa harapan ng simbahan na nakatapat naman sa Plaza Miranda Police Community Precinct (PCP).

Iginiit ng simbahan na nangangahulugan ito nang pagbibigay-halaga sa buhay, sa iba’t ibang perspektiba, katulad ng pagbibigay oras sa pamilya, na kung walang oras ay pinapatay ang pamil­ya o  kapag lulong sa droga, pinatay din ng gumagamit nito ang kanyang buhay.

Nanawagan rin naman ang pari sa mga deboto na ihanda ang sarili, physically, emotionally at spiritually  para sa nasabing prusisyon.

Bukod sa Quiapo sa Maynila na taun-taon ay dinarayo ng milyun-milyong mga deboto, may isasagawa ring traslacion sa Tagum City at Cagayan De Oro City.

Samantala, tiniyak naman ni Manila Police District Director P/ Senior Supt. Joel Napoleon Coronel na magi­ging maayos at mapayapa ang tradisyunal na prusis­yon ng Poong Nazareno dahil malaking pwersa ng kapulisan ang itatalaga para bantayan ang okasyon na dadagsain ng milyun-milyong deboto.

Samantala, tinatayang 2,000 pulis ang itatalaga ng National Capital Regional Police Office sa pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno sa Enero 9.

Ayon kay NCRPO Chief Di­rector Oscar Albayalde, ito ay base sa inilatag nilang pagpapatupad na mahigpit na seguridad sa naturang kapistahan.

Sinabi ni Albayalde, na  magsasanib pwersa aniya  ang pulisya, at local security kabilang ang mga barangay tanod.

Humigit-kumulang sa  3,000 kabuuang bilang ng mga pulis, local security at ba­ra­ngay tanod ang  magmamantina ng seguridad sa kapis-tahan ng Itim na Nazareno.

Show comments