MANILA, Philippines - Kapwa patay na nang matagpuan ang dalawang lalaki na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan makaraang magkayayaan na maglaro ng sugal na “sakla”, kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Nakilala ang mga nasawi na sina Danilo Dumpes, 56, pintor, ng No. 247 BMBA Compound, 3rd Avenue, Brgy. 120, at Bonifacio Bacutan, Jr., 41, ng No. 3227 A. Road 3 Teachers Village, Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City.
Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:30 kahapon ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay ng dalawang biktima sa kanto ng 3rd Avenue at Rizal Avenue Extension, Brgy. 120, na tadtad ng tama ng bala sa katawan.
Sa salaysay ng live-in partner ni Dumpes na si Susan Gallego, nagtungo sa kanilang bahay si Bacutan kamakala- wa ng gabi at niyaya ang kanyang mister na magtungo sa lamay ng patay at maglaro ng sugal na sakla.
Ginising na lamang siya ng isang kapitbahay na nag-ulat sa kanya na natagpuang patay ang kanyang mister at ang kasamang si Bacutan sa naturang lugar.
Narekober sa lugar ng crime scene ang apat na basyo ng kalibre .9mm pistol.