Sunog sa Pasig: Mag-lola patay

MANILA, Philippines - Patay ang maglola nang makulong sa loob ng kanilang nasunog na bahay sa Brgy. Caniogan, Pasig City, kama­kalawa ng gabi.

Nakaligtas pa sana sa sunog ang biktimang si Kristine Joy Caturan, 12, dahil nakababa na ito ng kanilang tahanan, ngunit bumalik ito sa second floor ng kanilang bahay upang iligtas sana ang kanyang lolang si Miraflor Aturan, 75, ngunit kapwa na sila nakulong sa malakas na apoy at kapwa nasawi.

Ayon kay Fire Senior Ins­pector Anthony Arroyo, da-kong alas-10:57 ng gabi ka­makalawa nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng tahanan ng mag-lola sa 18-A Kasikatan Street, Brgy. Caniogan.

Tinangka pa umanong iligtas ang mga biktima sa pamamagitan nang pag-akyat ng bubong ngunit hindi na rin nasagip ang mga ito.

Umabot lamang ng unang alarma ang sunog at naa-pula matapos ang 20-minuto kaya’t wala nang iba pang bahay na nadamay dito.

Sinabi naman ni Fire Senior Inspector Anthony Arroyo, arson investigator ng Bureau of Fire Protection (BFP-Pasig), na posibleng napabayaang kandila ang pinagmulan ng apoy dahil limang taon na umanong walang kuryente sa tahanan.

“Limang taon nang wa­lang kuryente. Sa second floor lang nasunog, ‘‘di uma­bot sa first floor,” ani Arroyo.

Sa pagtaya ng mga im­bestigador, umabot sa P600,000 ang halaga ng pinsala sa sunog.

Show comments