MANILA, Philippines – Isang kalibre .38 na baril, at dalawang piraso ng sachet ng shabu ang nakuha sa isang drug personality na nasawi makaraan umano siyang manlaban sa mga otoridad sa isinasagawang buy-bust operation sa Quezon City kamakalawa.
Ayon kay PO3 Roldan Cornejo may hawak ng kaso, ang biktima ay nakilala sa isang alyas Ruel, 35-40, at residente sa Palmera St., Lower Everlasting Bgry. Payatas A, QC.
Sa imbestigasyon, nakasagupa ng suspek ang tropa ng Police Station 6 Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG), sa pangunguna ni P/Chief Insp. Sandie Caparroso.
Nangyari ang insidente sa loob ng bahay ng biktima dakong alas 7:15 ng gabi makaraang nagkunwaring bibili ng iligal na droga ang tropa ng SAID-SOTG sa suspek.
Subalit, sa gitna ng transaksyon ay nakatunog umano si Ruel sa presensya ng ibang operatiba sanhi upang manlaban ito hanggang sa siya ay masugatan.
Tinangka pang isugod sa East Avenue Medical Center ang suspek, subalit hindi na rin ito umabot pa ng buhay dahil sa mga tama ng bala sa ulo.
Samantala sa Maynila, nasawi ang tulak na si Rommel Berdan, 26, alyas “Muslim Bata”, miyembro ng Batang City Jail, at residente ng Road 10, Marcos Highway, Moriones St., Tondo sa isinagawang follow-up operation kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni SPO1 Bernardo Cayabyab ng Manila Police District-Homicide section, dakong alas 6:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa tapat ng no. 248 Sta. Fe St., Tondo.
Itinuturo umano ang suspek na pumatay sa tulad niyang ‘tulak’ na si Eugene Liporada, na naganap noong Disyembre 2, 2016 kaya tinangka siyang arestuhin.
Subalit nang makita ng suspek ang mga pulis ay agad itong nagpaputok dahilan upang gumanti ang mga awtoridad.
Narekober mula sa suspek ang isang Black Widow .22 Magnum, 4 na sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.