MANILA, Philippines – Nasa heightened alert na rin ang Philippine Coast Guard (PCG) kasabay ng pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilagay sa State of Lawlessness ang bansa nitong Sabado ng umaga matapos ang trahedya sa Davao night market, sa Davao City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PCG spokeperson, Commander Armand Balilo, noong Miyerkules pa (Agosto 31) nakaalerto ang pamunuan ng PCG at mas pinaigting nila ito ngayon para mas mahigpit na seguridad ang maipatupad.
Aniya, ang heithened alert ay idineklara ng PCG kasunod ng pag-anunsiyo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kaugnay sa opensiba laban sa bandidong Abu Sayyaf Group (ASG).
Inatasan ni PCG Commandant Rear Admiral William Melad ang lahat ng security personnel kabilang ang Coast Guard Anti Terrorism Unit, K9 Units at Law Enforcement teams na mas higpitan ang pagbabantay sa lahat ng mga pantalan sa buong bansa.
Naglabas din ng direktiba sa lahat ng PCG stations na mag-patrulya sa mga baybayin at sa perimeter ng pantalan para masigurong walang masasamang elementong makakalapit sa mga passenger vessel.
Gumagana rin umano ang intelligence unit ng PCG sa profiling ng ASG.