MANILA, Philippines - Dedo ang tatlong pinaniniwalaang ‘tulak’ ng iligal na droga na naglulungga sa loob ng Manila North Cemetery sa Blumentritt, nang manlaban sa isinagawang buy-bust operation, kahapon ng hapon.
Kinilala ang isa sa nasawi na si Emmanuel Castell Jr., alyas “Butoy’’, 49, na kabilang umano sa sumuko sa ‘‘Oplan Tokhang’’ at nasa drugs watchlist ng MPD-Station 3 habang ang dalawa ay kinilala lamang sa alyas JR Buang, nasa 30 hanggang 35-anyos habang ang isa naman ay di pa batid ang pagkilanlan, na sinasabing tauhan ni Castell.
Sa pahayag ni Blumentritt Police Community Precinct (PCP) Chief Inspector Marlon Mallorca, dakong alas-2:15 ng hapon nang ikasa ng kaniyang grupo, kasama ang mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Unit (SAID-SOTU) at sinubukang bumili ng P500 halaga ng shabu sa mga suspek na ang ginagamit na lungga ay ang isang mausoleum sa Manila North Cemetery sa 16th Street.
Habang nakikipagtransaksiyon ay nakahalata umano ang mga suspek na mga pulis ang nasa paligid nila kaya pinaputukan ang poseur-buyer at nauwi sa komosyon at habulan hanggang sa bumulagta ang tatlo, na pawang mga armado ng kalibre 38 baril.
Ayon sa pulisya, matagal na nilang sinusubaybayan ang mga galaw ng mga tao na naninirahan sa loob ng semen-teryo, na nadiskubre nilang patuloy pa ang pagbebenta ng shabu sa kabila ng mainit na kampanya laban dito.
Nasa hurisdiksiyon pa ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang 3 baril at di pa tukoy na dami ng shabu na nag-iimbestiga sa mga nasawi sa loob ng sementeryo.
Tiniyak naman ni P/Supt. Santiago Pascual, hepe ng MPD-Station 3 na puspusan ang kanilang pagtugis sa mga criminal at may iligal na gawain na walang takot sa mga babala ng gobyerno.