MANILA, Philippines – Dalawa katao kabilang ang isang 62-anyos na lola ang kalaboso matapos makumpiskahan ng 50 piraso ng ecstasy na nagkakahalaga ng humigit kumulang sa P100,000.00 sa isinagawang buy-bust operation ng National Capital Regional Police Office sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling araw.
Nakaditine ngayon sa NCRPO, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City ang mga suspect na sina Lilia Ong, ng Brgy. Immaculate Concepcion, Cubao at Neil Songco, 47, ng Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni NCRPO Director Joel Pagdilao, alas-12:45 ng madaling-araw nang maaresto ang mga suspect sa operasypn na isinagawa ng Region Anti-Illegal Drug–Special Operation Task Group (RAID-SOTG) sa harap ng Padis Point na matatagpuan sa Timog Avenue malapit sa panulukan ng Morato St., Quezon City.
Isang poseur-buyer ng pulisya ang nakipagtransaksyon sa mga suspect na bumili ng 10 piraso ng ecstasy na may halagang P1,500 kada piraso.
Nang maiabot na ng mga suspect sa pulis ang naturang droga, dito na sila dinakip ng mga tauhan ng RAID-SOTG.
Bukod dito nasamsam pa sa mga suspect ang may 50 pang pirasong ecstasy na tinatayang humigit kumulang na nasa P100,000.00.