MANILA, Philippines – Namatay ang isang security personnel supervisor na pinaniniwalaang na-stress makaraang awatin ang isa niyang security guard na nag-hahallucinate at nagpapaputok ng shotgun ng walang dahilan, sa Port Area, Maynila, kahapon ng umaga.
Dead-on-the-spot si Vicente Mondelo,58, ng Asian Security Agency at stay-in resident ng Eco Shield Compound, Port Area.
Sa ulat ni PO3 Bernardo Cayabyab ng Manila Police District-Homicide Section, nadiskubreng wala ng buhay ang biktima alas 5:00 ng umaga kahapon sa loob ng Ecoshield compound, sa Pier 18.
Hindi naman nakitaan ng sugat o anumang palatandaang pinahirapan ito maliban sa napansin na naihi na sa kaniyang salawal na posibleng sanhi ang biglaang atake sa puso.
Sa imbestigasyon sa mga kasamahang guwardiya, bago natagpuang patay ang biktima, matagal na umano itong nababahala sa pagsaway at kakaibang ikinikilos ng isang security guard na si Junifer Maitom, 27 anyos.
Kuwento ni Angeles Amoroso, nakita niya na lang na nakahandusay sa binabantayang container van sa Eco Sheild Compound ang kanilang supervisor.
Bandang alas 9:00 ng gabi nang magsimula umano si Maitom na mag-hallucinate at kasunod pa nito ay ang paghawak ng shotgun na itinututok sa mga taong papalapit sa kaniya.
Iniwasan na lamang umano nila si Maitom hanggang sa makarinig sila na nagpaputok ng shotgun ala 1:30 ng madaling araw at nasundan pa ng pagkasa at isa pang putok kaya nang ikasa ulit at magpapaputok ay nagsi-ikot na umano sila upang hindi makadamay.
Dito na iniwat ni Mondelo si Maitom hanggang sa atakihin sa puso ang una at tumakas naman ang huli.