MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaki makaraang mabundol at masagasaan ng isang rumaragasang pampasaherong bus sa Regalado Avenue, Quezon City, kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Senior Insp. Marlon Meman, commander ng Quezon City Police District Sector 2, nakilala ang nasawi na si Armand Saplan, nasa hustong gulang ng 047 Dear St., Don Fabian, Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Kinilala naman ang driver ng bus na si Lino Asis, 45, may-asawa ng 1079 Riverside St., Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Bukod sa biktima, inireklamo din si Asis ng driver ng taxi na si Ariel Jaculo, 46 na unang binangga nito makaraang mabundol ang una.
Sa pagsisiyasat ni SPO1 Ferdinand Paglinawan, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Regalado Avenue, kanto ng Domingo de Ramos, Brgy. Greater Lagro Nova, QC, ganap na alas-8:25 ng umaga.
Bago ito, tinatahak umano ng Nissan passenger bus (CEM Trans Services Inc.) na minamaneho ni Asis ang kahabaan ng Regalado Avenue galing ng Commonwealth Avenue, at patungo sa SM Fairview nang pagsapit sa kanto ng Domingo de Ramos St., Brgy. Greater Lagro ay bigla itong lumihis pakaliwa papasok sa kasalungat na direksyon ng kalsada.
Ang resulta, nabangga ng bus ang minamanehong Toyota Vios na taxi ni Jaculo hanggang sa matumbok na rin ang bahagi ng isang establisimyento na bilihan ng Japan surplus.
Gayunman, hindi pa rin huminto ang bus at nagtuluy-tuloy ito sa pag-arangkada hanggang sa mabangga at masagasaan si Saplan na nakatayo sa may gilid ng nasabing kalsada.
Sa tindi ng pagkakasagasa, agad na nasawi ang biktima habang ang driver ng bus na si Asis ay nasa kustodiya naman ng nasabing himpilan para sa kaukulang disposisyon.