MANILA, Philippines – Tinatayang nasa 500 motorista ang nasampolan ng Metropolitan Manila Deve-lopment Authority (MMDA) sa unang bugso ng implementasyon ng “no contact traffic apprehension” na nag-umpisa nitong Abril 15.
Sa datos ng MMDA, nasa 492 ang naitalang lumabag sa mga batas-trapiko nang makunan ng kanilang “high-definition cameras” nitong alas-2 ng Abril 16 at inaasahang lolobo ng higit sa 500.
Ayon sa ahensya, nangunguna sa mga naitala nilang lumabag ang mga pampasaherong bus sa EDSA at Commonwealth Avenue na iligal na nagbababa at nagsasakay ng pasahero sa mga “no unloading at no-loading areas”.
Sa kabila nito, sinabi ni MMDA public information officer, Goddess Hope Libiran na naging maganda ang epekto ng implementasyon ng bagong polisiya dahil sa mas naging maingat sa pagmamaneho ngayon ang mga motorista sa kalsada.
Pinaalalahanan ng MMDA ang publiko na wala umanong exempted sa polisiya maliban na lamang sa mga ambulansya, firetrucks, at mga patrol vehicles ng pulisya na sangkot sa mga emergency na pagkakataon. Hindi naman ang mga doktor na sakay ng mga pribadong behikulo na nagsasabing may “emergency” sila. Pinayuhan na lamang ng ahensya ang mga doktor na mag-aplay ng “exemption” sa kanilang ahensya para sa “number coding scheme”.
Mariing iginiit ng ahensya na hindi ligtas sa polisiya ang mga “red plates” o mga sasakyan ng gobyerno na lumalabag sa batas-trapiko maging iyong mga may mga plaka na “8” na nagkalat sa lansangan.
Sa ilalim ng naturang polisiya, may pitong araw ang sinumang mapapadalhan ng “traffic violation receipt (TVR)” para i-contest ang bayolasyon kung sa tingin nila ay hindi sila lumabag sa batas-trapiko. Kung kumbinsido naman sa kasalanan, maaaring bayaran ang halaga ng multa sa anumang Metrobank branch o diretso mismo sa MMDA.