MANILA, Philippines - Bumagsak sa mga tauhan ng Makati City Police ang serial rapist na taxi driver na sangkot sa panghoholdap at panggagahasa sa mga babaeng pasahero habang ang ilan ay pinaslang pa nito sa isinagawang follow-up operations kamakalawa sa lalawigan ng Bulacan.
Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Joel Pagdilao ang nadakip na suspect ay si Nitro Izon, alyas Ricky Ramos, 24, na iprinisinta kahapon sa mediamen sa Camp Crame ay nasakote ng mga elemento ng Makati City Police sa bayan nito sa San Miguel, Bulacan.
Ayon kay Pagdilao kabilang sa mga naging biktima ni Izon ay ang call center executive na si Teng Santaromana Gamboa, biyuda ng musikero at bokalista ng Tropical Depression na si Dominic “Papadom” Gamboa na natagpuang patay sa isang bangketa sa Makati City, isang araw matapos itong mawala noong Pebrero.
Sinabi ng NCRPO chief sa tulong ng mga tip ay natagpuan ang pinagtataguan ni Izon sa bayan ng San Miguel, Bulacan. Ang suspek ay gumagamit ng alyas ni Ricky Ramos.
Inihayag ni Pagdilao na ang modus operandi ni Izon na kadalasang lumalakad na mag-isa ay maghanap ng biktima sa dis-oras ng gabi o madaling-araw. Kadalasang nag-iikot ito sa Makati City, Mandaluyong City at Quezon City na ang kadalasang target ay ang mga babaeng galing sa bar o kaya naman ay ang mga call center agents.
Ayon naman kay Sen. Supt. Ernesto Barlam, hepe ng Makati City Police na nanga-ngarnap ng taxi ang suspect saka ipapasada para humanap ng mabibiktima na hinoholdap nito saka ginagahasa at kung mamalasin pa ay papatayin. Ang mga biktima ay inaabandona na nakagapos ang mga kamay.
Ang pag-aresto sa suspect ay sa bisa ng mga warrant of arrest na inisyu nina Judge Alma Crispina Collado-Lacorte, ng Branch 21, Manila Regional Trial Court (RTC) at Judge Ronald B. Moreno, ng Branch 147, Makati City RTC dahil sa mga kaso nitong robbery. Pinamunuan ni Supt. Angelo Germinal, deputy chief of police ng Makati City Police ang operasyon.
Si Izon rin umano ang pangunahing suspect sa serye ng panghoholdap, ilan dito ay ginahasa pa ang mga biktima.
Sinabi ni Pagdilao na ang suspect ay nahaharap sa patung-patong na kasong kriminal na kinabibilangan ng rape, robbery, homicide at carnapping.
Samantalang, lumutang rin ang umano’y isa pang naging rape victim ni Izon at positibo nitong kinilala ang suspect.