MMDA giit na kumuha muna sa kanila ng permit ang mga mangangampanya

MANILA, Philippines – Hiniling kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Commission on Election (COMELEC) na magpasa ng resolution para humingi muna ng permit sa kanilang tanggapan ang mga kandidatong mangangampanya upang hindi makaapekto ng daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Ayon sa MMDA, dapat aniyang magpasa ng resolution ang COMELEC kaugnay sa posisyon nito ukol sa mga campaign rallies, motorcades at meeting de avance.

Ayon kay  MMDA Chairman Emerson Carlos, ki­na­­­u­sap na niya si COMELEC  Chairman Juan Andres Bautista at ipinaabot ang kanyang kahilingan i-regulate ang mga pangunahing lansangan sa panahon ng kampanya dahil sa magi-ging  epekto nito sa trapiko.

Partikular niya umanong hiniling sa COMELEC ay kung maaring humingi muna ng permit mula sa kanilang ahensiya  bago idadaos ang isang rally nang sa gayon mabigyan naman ng abiso ang mga motorista.

Positibo naman umano  ang tugon ng COMELEC ukol dito at tiniyak na ito’y kanilang pag-uusapan para sa posibleng pagpapatibay ng resolusyon para dito.

Sinabi pa ni Carlos,  kahit umano sa mga minor roads lamang idadaos ang rally, may epekto pa rin ito sa mga motorista.

Magsisismula na sa Pebrero 9 ang kampanya para sa mga national candidates habang sa Marso 26 naman ang kampanya para sa lokal na kandidato.

Show comments