MANILA, Philippines – Sa pagtatapos ng imbestigasyon ng Senado sa Metro Rail System (MRT), iminungkahi nila na magkaroon dapat ng refund sa mga mananakay tuwing magkakaroon ng aberya ang tren.
Ipinasa si Sen. Grace Poe ang report sa Senate public services committee kung saan nais din nilang magkaroon ng alternatibong sasakyan ang mga maaapektuhang pasahero ng MRT kapag nagkaaberya.
"There should be shuttle buses on standby to transport the stranded passengers, umbrellas and 'tolda' must be available to ease the discomfort of the riding public while queuing," nakasaad sa report.
Iminungkahi rin ng subcommittee ang pagkakaroon ng National Transportation Safety Board na mangangasiwa sa mga isyu ng transportasyon sa bansa.
Samantala, inirekomenda rin nila na kasuhan ng graft ang mga opisyal ng Department of Transportation and Communications sa pamumuno ni Secretary Joseph Emilio Abaya.
"The subcommittee observed the badges of negligence and inactions of the Department of Transportation and Communications (DOTC) officials led by Secretary Joseph Emilio Abaya indicating insensitiveness, callous indifference and acts disadvantageous to the commuters, the Filipino public and the Government," dagdag ng report.
Anila, lumabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang mga opisyal ng DOTC.
Ipapasa rin ng subcommittee ang kanilang report sa Office of the Ombudsman, Department of Justice at Civil Service Commission.