Pagpatay sa mga pusa, pinabubusisi ni Peña

MANILA, Philippines – Matapos maalarma, ipinag-utos kahapon ni Makati City Mayor Romulo “Kid” Peña  sa Veterinary Services Office, na  magsagawa  ng mala­wa­kang imbestigasyon kaugnay  sa napaulat na serye ng brutal na pagpatay sa mga pusa sa isang exclusive village  sa  lungsod.

Ayon kay Peña, ang mga pusa ay tulad rin ng aso na itinuturing bilang “best friends” ng tao kung kaya’t nararapat lamang na bigyan rin ng pagkalinga ang mga ito.

Naalarma si Peña sa insi­dente at handa ang tanggapan nito na tumulong para maresolba at madakip ang  mga taong sangkot sa pagpatay sa mga pusa.

“As a local chief executive, I will not allow anyone, regardless of their social status, to intentionally inflict harm on our animals,” ani  Peña.

Sinabi pa ng alkalde, hindi siya magdadalawang isip na kasuhan ang sinumang mapatunayan responsable sa pagmamaltrato sa mga hayop.

Handa naman si Peña  na magbigay ng pabuya  sa sinumang makapagbigay ng impormasyon at tulong para sa mabilis na pag-aresto sa responsible sa naturang pagmamaltrato sa hayop. 

Una nang nag-alok ng P50,000 pabuya ang People for the Ethical Treatment of Animals Asia (PETA) sa sinumang makapagbigay ng  impormas-yon tungo sa ikakaresolba sa kaso.

Show comments