MANILA, Philippines – Sa siyam na maliliit na pribadong palengke na nasa loob ng Balintawak area sa Quezon City tuluyan nang isinara ang tatlong palengke dito at tuloy naman ang operasyon ng anim pa.
Ayon kay Market development and Administration department head Noel Soliven, ang tatlong tuluyan nang isinara ay ang Cloverleaf, Riverview 2 at MC market.
Anya ang siyam na pribadong palengke sa loob ng Balintawak area sa lunsod ay halos lahat ay may multiple violations sa national at local laws gayundin sa mga regulasyon sa market operations, pero dahil nangakong magko-comply ang anim na palengke, ito ngayon ay binigyan ng pagkakataon na maisaayos ang dokumento sa pag-nenegosyo. Ang anim na private markets na patuloy na nag –ooperate sa Balintawak ay ang North Diversion market, Pilsons market, MGP market, Edsan market, Juliana market at Riverview 1 market.
Pinayuhan din ni Soliven ang mga naapektuhang manininda ng naisarang tatlong private markets na lumipat na lamang ng tindahan sa walong mga palengke na pagmamay -ari ng lokal na pamahalaan ng QC.
Maglalagay naman ang QC engineering department ng perimeter fence sa mga naisarang palengke upang wala ng magbalik na magtitinda doon. Masyado ding nakakaabala sa daloy ng trapiko ang mga maninindang naglipatan sa halos Edsa sa Balintawak kayat pinalayas ito ng barangay traffic personnel at ng QC traffic enforcers.
Niliwanag ni Soliven na noon pang isang linggo naipasara ang tatlong private markets pero sa hangarin na maibalik sa operasyon ang palengke, pinagbigyan na magcomply sa requirements na bagay naman na di nila ginawa.