MANILA, Philippines – Kusang nagsagawa ng sarili nilang rolbak sa pamasahe ang asosasyon ng mga tricycle sa lungsod ng Valenzuela makaraan ang sunud-sunod na pagbababa sa presyo ng petrolyo sa bansa.
Pinirmahan nitong nakaraang Huwebes ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela at ng Valenzuela Tricycle Federation sa City External Office ang “Memorandum of Agreement” para sa rolbak.
Sa ilalim ng kasunduan, ibinaba sa P7 ang minimum na pamasahe kada tao sa mga tricycle mula sa da-ting P8.
Epektibo ito sa lahat ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa lungsod na ipinatupad rin nitong Huwebes.
Ibinase ang rolbak sa City Ordinance No. 19 Series of 2011 o Land Transportation Code of Valenzuela na nagbibigay ng panuntunan sa pagbabago sa halaga ng pasahe sa mga tricycle tuwing may dagdag o bawas presyo sa petrolyo.
Sinalubong naman ng magkahalong reaksyon buhat sa mga residente ang rolbak sa pasahe. Marami ang natuwa sa kaltas habang marami rin ang nagrereklamo sa hindi pagsunod ng mga abusadong tricycle driver at patuloy na pangongontrata ng mga ito.