MANILA, Philippines – Bilang solusyon na rin sa trapiko at mangongotong na mga enforcer, plano ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagtatayo ng roadside court sa ilang pangunahing lansangan ng Metro Manila.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, ipipresenta niya ang nabanggit na planong proyekto ng ahensiya sa susunod na pulong ng Traffic Technical Working Group.
Makikipag-ugnayan rin umano siya sa 17 alkalde sa Metro Manila, na siyang bumubuo ng Metro Manila Council (MMC) upang talakayin ang nabanggit na proyekto.
Sa naturang plano, limang roadside court ang itatayo sa strategic areas tulad ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA), Circumferential Road-5, Quirino Avenue, Commonwealth Avenue at Roxas Boulevard.
Ang roadside courts ang reresolba umano sa mga kaso ng extortion o pangingikil na kinasasangkutan ng mga traffic constables.
Ngunit maaari rin naman ang kanilang empleyado na maghain ng reklamo laban sa sinumang motoristang nagtangkang mag-alok ng pera.
Bukas umano anumang oras ang roadside court na handang umagapay sa mga complainants.
Dedesisyunan agad ng roadside court presiding officer ang reklamo kung may ebidensiya ito.