Lolo utas sa tripper

MANILA, Philippines – Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang lolo, habang  ginagamot sa ospital ang isa pa makaraang pag-tripan ng hindi pa nakikilalang  lalaki, kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.

Dead on arrival sa Tondo Medical Center si Nestor Charliongco, 63,  residente ng Endaya St. Dagupan, Tondo habang nakaratay pa sa nasabi ding ospital si John Michael Escuber, 23, supermarket bagger at residente ng C. Nepomuceno St.,ng nasabi ring lugar.

Sa imbestigasyon ni PO3 Bernard Cayabyab ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-3:00 ng mada­ling araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Velasquez St., kanto ng Capulong St.

Nabatid na kapwa naglalakad umano ang dalawang biktima nang bigla na lamang silang sunggaban ng saksak ng suspek. Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek dala ang patalim na ginamit sa pananaksak sa mga biktima.

Naisugod pa sa naturang ospital si Charliongco subalit idineklarang dead on arrival habang isasailalim naman sa surgical operation si Escuber. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya  at paghahanap sa suspek.

Show comments