MANILA, Philippines – Hinikayat ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang publiko na i-report sa kanilang tanggapan ang mga depekto na makikita nila sa mga tren upang maaksyunan kaagad ang mga ito. Ayon kay LRTA spokesman Hernando Cabrera, kinakailangan lamang na ilagay ang body number ng may problemang tren na inire-report. Sa ganitong paraan aniya ay mas madali nila itong matutukoy at mas mabilis rin nilang maaaksyunan ang problema. Ang body number ay makikita naman sa itaas na bahagi ng bawat tren kaya’t madali itong makikita ng mga pasahero.
Dahil sa mga makabagong teknolohiya at mga social networking sites, marami na sa mga commuters ang nakakapagsumbong sa LRTA ng mga problemang nakikita nila sa mga sinasakyang tren. Nahihirapan naman ang LRTA na tukuyin kaagad ang depektibong tren kung hindi nila alam ang body number ng mga ito. Ilan sa mga depekto sa mga tren na nabatid ng LRTA sa pamamagitan ng sumbong ng mga netizens at naging viral pa sa mga social networking sites ay ang pagtulo ng ulan sa loob ng tren at pagbiyahe ng tren ng
bukas ang pintuan.