MANILA, Philippines – Labingwalong drug personalities na sangkot sa iligal na droga ang naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ginawang pagsalakay sa tatlong bahay na ginagawang drug den sa Brgy. Pag-asa sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac Jr., ni Director Erwin Ogario, Regional Director of PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR) ang nasabing mga bahay ay sinalakay sa bisa ng tatlong search warrant ng inisyu ng korte sa lungsod dahil sa ginagamit ito bilang mga drug den.
Nadakip sa nasabing operasyon ang mga suspect na sina Arnel Banado, 43; Milafe Laping, alyas Fe/Inday, 38; at Rolando Viray, 64; na sinasabing mga drug den owner; at mga kustomer na sina Julius Bergonia, 23; kapatid na si James, 20; Rizalyn Quiazon, alyas Osang, 29; Ernesto Camata, alyas Jun-Jun, 46; Alex Paulino, 36; Jerry San Miguel, 44; Manuel Gaba, 35; Evangeline Eugenio, 49; Jerald Sese, 30; Jojo Alvarado, 35; Jesus Maglalang, 32; Rolly Perez, 36; Manuel Alcantara, 36; Nilo Abinio, 36; at Jose Maickel, 25.
Ayon kay Cacdac, isinagawa ang operasyon dahil sa serye ng ulat na nakarating sa kanilang tanggapan buhat sa mga walk-in informant tungkol sa talamak na operasyon ng droga sa lugar.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng surveillance ang tropa at nang magpositibo ay agad na kumuha ng search warrant, saka inilunsad ang operasyon, ganap na alas-2 ng hapon.
Nasamsam sa nasabing operasyon ang may kabuuang 60 gramo ng shabu na may value ng P72,000 at assorted drug paraphernalia.
Sina Banado, Laping at Viray ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 6 (Maintenance of Drug Den), Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) at Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang ang mga customer nito ay paglabag naman sa Section 7 (Visitors of a Drug Den).