MANILA, Philippines – Patay ang isang 46 anyos na lalaki nang barilin ng isang hinihinalang tulak ng droga habang naglalaro ng “pool” sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot si Erwin Tumale, residente ng Building 6 Helping Land, Temporary Housing, Tondo.
Isang Pepito Roque Jr. ang itinuturong may kagagawan umano ng pamamaril na tumakas matapos ang insidente.
Sa ulat ni PO3 Alonzo Layugan ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas 8:45 ng gabi sa pagitan ng Bldg 6 at 7 sa Helping Land, Temporary Housing.
Inabutan na lamang ni Angelito Tumale ang kapatid na nakabulagta at duguan at wala na ang suspek.
Napalabas umano ng bahay si Angelito dahil sa magkakasunod na putok ng baril at hindi akalaing ang kapatid ang nabiktima ng pamamaril.
Hinihinalang may kinalaman sa iligal na droga ang motibo sa pamamaril dahil isa umanong ‘informer’ ng mga pulis ang biktima at diumano’y sangkot din sa pagbebenta ng droga sa lugar.