MANILA, Philippines – Kalaboso ang isang seaman at umano’y kalaguyo nito nang ipadakip sila ng tunay na misis nito na isang overseas Filipino worker matapos malaman na may walong taon nang nagsasama ang mga suspek, sa Caloocan City.
Kinilala ang mga kinasuhan na sina Rogelio Cancino, 38, ng #22 Saint Mathew St., San Pablo Subdivision, Magkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City at ang umano’y kalaguyo nitong itinago sa pangalang Mylene, 28, ng Cadena de Amor Compound, Barangay 174, Camarin, Caloocan City.
Bitbit naman ng 35-anyos na ginang na nagta-trabaho bilang store secretary sa isang kumpanya sa Singapore ang mga dokumentong magpapatunay na siya ang lehitimong asawa ni Cancino.
Dahil sa mga ebidensiyang ipinakita ng ginang, kaagad na dinakip si Cancino at ang kanyang kinakasama sa tinitirhan nito sa Cadena de Amor compound.
Lumabas sa imbestigasyon ni SPO2 Cherilyn Alaon ng Caloocan City Police na mula taong 2008 ay nagsama na bilang mag-live-in partner ang dalawa kung saan nagkaroon na sila ng tatlong anak.
Nang umuwi ng bansa ang ginang, kaagad niyang tinipon ang mga kinakailangang dokumento bilang ebidensiya at ipinagharap ng reklamo ang asawa na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa.
Kasong concubinage o pagkakaroon ng sekswal na relasyon ng isang kasal na lalaki sa babae na hindi niya asawa at pagbabahay dito ang isinampa ng pulisya laban kay Cancino.
Pakiki-apid o adultery naman ang isasampa sa babae sa piskalya ng Caloocan City.