MANILA, Philippines – Nadakip na ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD) ang sinasabing top 9 drug personality sa kanilang area of responsibility makaraang salakayin ang hideout ng suspek sa Pasig City.
Ang suspek ay kinilalang si Victor Ramos y Jarme, nasa hustong gulang at residente ng Barangay Rosario, Pasig City.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni EPD Chief, Chief Supt. Elmer Jamias, nakatanggap ng intelligence report ang mga tauhan ng Pasig police hinggil sa lugar na pinagtataguan ni Ramos kaya mabilis na nagsagawa ng pagsalakay sa hideout nito sa C-1 Camia St., corner Jobson, Pasig City na nagresulta ng pagkakadakip nito.
Nabawi mula kay Ramos ang 10 plastic sachet ng high grade na shabu at iba’t-ibang drug paraphernalia.
Si Ramos ay nasa top 9 most wanted list ng EPD dahil sa talamak nitong pagbebenta ng droga na palipat-lipat ng kanyang lungga.