Mag-utol na rider salpok sa trak, patay!

Police line

MANILA, Philippines – Patay ang magkapatid na rider sa Quezon City matapos bumangga sa isang nakaparadang trak ng basura ang sinasakyang motorsiklo, nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni PO3 Solomon Sevilla ng QC Police District-Station 8 Mobile Patrol Group ang mga nasawi na sina Jun Carballo, 38 at Jerald Carballo, 22, pawang taga QC.

Ayon kay Sevilla, bago ang aksidente ay galing umano ang magkapatid sa pakikipag-inuman sa mga kaibigan sa Barangay Escopa sa naturang lunsod.

Sa pakikipag-usap sa mga nakasaksi sa aksidente, mabilis umano ang pagpapatakbo ng magkapatid na Carballo at nakikipag-unahan pa sa ibang motorsiklo sa naturang lugar.

Tinangka umanong iwasan ng magkapatid ang isang sasakyan nang bigla na lamang ang mga itong bumangga sa isang naka-park na trak ng basura sa may kanto ng Kalantiao St. sa Project 4, QC.

Idineklarang dead on arrival sa QC Memorial Medical Center ang mga biktima dulot ng pagkabagok ng ulo at matinding tama sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan dahil sa malakas na impact nang pagbangga sa naturang trak.

Show comments