MANILA, Philippines – Isang dating operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Chinese national ang nasakote ng pinagsanib na puwersa ng PDEA at Philippine National Police (PNP) sa pagsalakay sa isang bahay na may mini shabu lab sa Sta. Cruz, Manila kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni PDEA Director General Undersecretary Arturo Cacdac, nadakip si Col. Ferdinand Marcelino ng Armed Forces of the Philippines at dating Director for Special Enforcement Service ng PDEA at Yan Yi Shou, 33.
Ang operasyon ay isinagawa base sa search warrant ng QCRTC sa hinihinalang ang bahay ay gina-gamit na storage facilities ng mga iligal na droga.
Nangyari ang pagsala-kay alas-12:30 ng madaling -araw sa may no. 15, Block 17, Lot 6, Celadon residences, Felix Huertas, kanto ng Bata-ngas St., Sta. Cruz Manila.
Pagpasok sa loob ay nadiskubre na isa pala itong large scale clandestine laboratory o pagawaan ng illegal na droga kung saan nasabat ang 64 na kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P320 milyon.
Ayon kay PNP-AIDG Spokesperson Chief Inspector Roque Merdeguia nadatnan nilang kasama ni Shou si Marcelino nang sila ay dumating sa lugar.
Dahil dito, kinokonsidera ng mga operatiba si Marcelino bilang suspect dahil kasama nito si Shou nang isagawa ang operasyon.
Sabi pa ni Cacdac, wala sa kanilang radar o watchlist ng kanilang ahensya si Marcelino at nasurpresa din anya sila nang makita ito sa nasabing lugar.
Si Marcelino ay dating Director for Special Enforcement Service ng PDEA bago naging kasapi ng Philippine Marines kung saan kabilang siya sa nanguna sa mga malalaking operasyon ng mga sindikato ng iligal na droga.
Samantala, naninindigan naman si Marcelino na lehi-timo ang kanyang operasyon laban kay Shou na dating interpreter ng PDEA.
Ayon kay Marcelino, nasa ilalim umano siya ng intelligence ng AFP at may pinanghahawakan siyang mga dokumento na kaya niyang iharap sa media ngunit pinipigilan anya siyang magsalita ng otoridad.
Kauganay nito, isang warehouse ang sinalakay din ng PDEA sa General T. De Leon sa Valenzuela City.
Ganap na ala-1 ng mada-ling-araw nang pasukin ng mga operatiba ang warehouse sa no. 1143 Bambi St. sa nasabing barangay kung saan nasabat ang mga wooden drum na hinihinalang naglalaman ng mga sangkap sa paggawa ng high grade na shabu at iba pang mga gamit sa paggawa ng nito.
Isinasailalim na sa imbentaryo ang mga nasabat na sangkap sa paggawa ng illegal na droga.