MANILA, Philippines – Dahil sa layuning mapabuti ang gumegewang na serbisyo ng Metro Rail Transit sa publiko kaya ini-award na kahapon ng Department of Transportation and Communications (DOTC) sa apat na magkakaibang kompanya ang apat na improvement contracts para sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Ang mga kontrata ay nagkakahalaga ng kabuuang P142.37 milyon, na sinasabing magbibigay ng ginhawa at kombinyente sa pagsakay sa MRT-3 ng libu-libong pasahero.
Isa sa mga kontrata ay nai-award sa kumpanyang Innovalite Electrical Enterprise para sa paglalagay ng mga industrial fans sa mga istasyon ng MRT. Nagkakahalaga ng P2.10-milyon ang nasabing kontrata para sa ventilation equipment na ilalagay sa mga platforms at inaasahang matatapos sa loob ng 90 araw matapos maipalabas ang Notice to Proceed (NTP).
Sa kompanyang Ad Lib-YongJi Joint Venture naman nai-award ang P79.86 milyong halaga ng kontrata para sa bagong traction motors na ipapalit sa mga lumang-luma nang rotational spares.
Bibili rin ang DOTC ng bagong multi-purpose road-rail vehicle na gagamitin naman sa maintenance ng overhead catenary system o ang overhead wires sa MRT.
Ang Joint Venture ng Kempal Construction and Supply Corporation at Maquinaria del Eo naman ang nanalong bidder para sa nasabing road-rail vehicle na nagkakahalaga ng P46.39-milyong kontrata.
Ang ika-apat na kontrata ay ini-award ng DOTC sa Lead Core Technology System Inc., na P14.02 milyon ang halaga para sa pagsu-suplay ng baterya upang matiyak na hindi maaantala ang signaling system ng MRT-3 kapag nawawalan ng kuryente.