MANILA, Philippines – Kapwa nasawi ang isang lalaki na hinihinalang tulak ng iligal na droga at ang sanggol nitong anak nang pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang mga suspek, Miyerkules ng gabi sa Malabon City.
Agad na nasawi dahil sa tinamong iba’t ibang tama ng bala sa katawan si Ernesto Serrano, 25, pedicab driver, at residente ng Dr. Lascano Street, Brgy. Tugatog, ng naturang lungsod.
Isinugod naman sa Pagamutang Bayan ng Malabon ngunit hindi na umabot ng buhay ang 1-buwang sanggol na si Princess Ayesa nang tamaan ng bala sa dibdib. Tinamaan din ng ligaw na bala sa kanang kamay si Alfredo Reyes, 42.
Blangko naman ang awtoridad sa pagkakakilanlan sa dalawang salarin na tumakas lulan ng isang pedicab at isang single na motorsiklo.
Sa inisyal na ulat, naglalakad si Serrano sa P. Concepcion Street, Brgy. Tugatog, dakong alas- 6 ng gabi nang mapansin ang dalawang suspek sanhi para magtatakbo ito habang karga ang anak na sanggol.
Nakorner ng mga salarin ang mag-ama sa harapan ng Tugatog High School sa may Dr. Lascano Street kung saan pinagbabaril ang mga ito. Tinamaan naman ng ligaw na bala si Reyes habang nagdulot ng pagpapanik sa mga mag-aaral sa naturang paaralan ang pamamaril na nataon na uwian.
Sa imbestigasyon, may kaugnayan ang pamamaril kay Serrano sa pamamaslang sa isang Norberto Sabarillo nitong nakaraang Enero 12 sa Dr. Lascano Street. Sinasabi na si Serrano umano ang gunman sa naturang pamamaslang kaya malaki ang hinala na gantihan ang pagpaslang sa biktima at pagkakadamay pa ng walang muwang na anak.