MANILA, Philippines – Arestado ng Manila Police District-Manila Action and Special Assignment (MASA) ang isang 28-anyos na lalaki na sinasabing lulong sa droga na responsable sa paggagahasa sa 5-anyos na paslit noong Disyembre 31 sa Balut, Tondo, Manila.
Kahapon ay iniharap nina MPD Director Chief Supt. Rolando Nana at MASA chief, Chief Insp. Bernabe Irinco, Jr. ang suspek na si Jirwell Morios, alyas Jeffrey Morallos at Nonoy, 28, ng Building 24, Aroma Temporary Housing, Brgy. 105, Tondo, Maynila.
Lumilitaw sa report na Disyembre 31, 2015 nang maganap ang panghahalay ni Morios sa biktima na itinago sa pangalang Nene.
Nawala umano ang bata na hinanap ng kanyang ina at mga kapatid hanggang sa makita itong papauwi ng bahay ng Enero 1, 2016 na umiiyak at takut na takot at dala ang sirang damit.
Agad na tinanong ng ina ang paslit kung anong nangyari hanggang sa sinabi ng biktima ang kanyang sinapit. Hindi umano siya pinakain at sinaktan pa ng suspek.
Bagama’t hindi kilala ni Nene ang pangalan ng suspek, positibo naman nitong itinuro sa kanyang ina ang itsura ng suspek dahilan upang humingi siya ng tulong sa barangay. Subalit hindi na nila inabutan ang suspek sa bahay kung saan nagtago na ito ng ilang araw.
Enero 12 nang may mag- imporma sa ina ng bata na nakikita ang suspek sa Divisoria at Tondo hanggang sa irekomenda ng Initiative for Life and Action of Women (ILAW) ang kaso sa MASA na hindi naman nag-aksaya ng panahon at nagsagawa ng operasyon laban sa suspek kung saan ito nadakip.