MANILA, Philippines - Dalawang pinaghihinalaang Filipino- Chinese big time drug traffickers ang nasakote ng pinagsanib na elemento ng PNP-Anti Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang drug bust operation na nagresulta rin sa pagkakasamsam sa may P185 milyon halaga ng shabu sa Valenzuela City kahapon.
Kinilala ni PNP-AIDG director Senior Supt. Antonio Gardiola Jr., ang mga nasakoteng suspect na sina Sonny Ang, 67 at Benito Tiuseco, 47.
Bandang alas-8:30 ng umaga ng masakote ng mga operatiba ang dalawang suspect sa harapan ng isang gasoline station sa kahabaan ng Narciso St. Brgy. Lawang Bato, Valenzuela City.
Ang mga suspect ay lulan ng Chevrolet Venture na behikulo nang maaresto ng mga awtoridad sa lugar kung saan nakuha mula sa mga ito ang ilang piraso ng droga habang ang iba pa ay sa isinagawang follow-up operation sa isang bodega sa kahabaan ng East Service Road sa nabanggit ring barangay.
Sinabi ni Gardiola na umaabot sa 37 kilo ng shabu ang nakumpiska mula sa mga suspect kabilang ang mga nakatago sa 12 heavy duty turret milling machine sa bodega ng mga ito.
Ayon kay Gardiola na ang nasabing milling machine ay galing pa sa China.
Isinagawa ang raid sa bisa ng search warrant ng korte matapos silang makatanggap ng impormasyon hinggil sa ilegal na aktibidades ng mga suspect.
Nabatid na ang bawat isang kilo ng shabu, ayon pa sa opisyal ay nagkakahalaga ng P5M.
Ayon sa opisyal, ang operasyon ay bahagi ng kampanya ng PNP-AIDG laban sa mga high value target at maging sa mga international drug syndicate na nasa likod ng pagpupuslit ng droga sa bansa.
Kaugnay nito, nagbabala naman si Gardiola laban sa mga miyembro at lider ng mga drug syndicates na hindi titigil sa operasyon ang mga awtoridad upang maaresto ang mga ito at mapanagot sa batas.