MANILA, Philippines – Umabot sa 75 katao na hinihinalang sangkot sa mga iligal na droga ang dinampot ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) matapos isagawa ang operasyon sa isang barangay dito, kahapon ng umaga.
Ayon kay P/Supt. Robert Sales, commander ng QCPD Station 6, ang operasyon ay isinagawa base sa ipinatupad na ‘Oplan Bulabog/Galugad’ na ginawa sa anim na lugar sa Barangay Batasan Hills.
Kabilang anya sa mga naaresto ay 12 babae at 63 lalaki kung saan ang pinakabata ay 16-anyos lamang na pawang mga gumagamit ng iligal na droga.
Ganap na alas- 8:30 ng umaga nang simulan ng tropa ni Sales ang operasyon sa tulong ng mga opisyales ng barangay. Nasamsam sa nasabing operasyon ang ilang piraso ng plastic sachet ng shabu, drug paraphernalia at mga improvised na baril o sumpak.
Isinagawa ang “Oplan Bulabog/Galugad” matapos ang reklamong nakarating sa tanggapan ng PS-6 kaugnay sa talamak na paggamit ng droga at mga lumalalang krimen.Sa kasalukuyan, pinoproseso na ang mga nakuhang ibidensya ng mga operatiba sa mga suspect para sa inihahandang kasong isasampa laban sa kanila.