MANILA, Philippines – Patay ang isang hindi pa nakikilalang babae makaraan umanong kursunadahing pagpapaluin ng air gun sa ulo ng isang lalaki sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sa ulat ni PO2 Marlon dela Vega, may hawak ng kaso, ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang biktima ay nangangalakal ng basura sa kalye kaya’t walang sinumang nakakakilala rito.
Gayunman, agad namang nadakip ang suspect na kinilalang si Mac Kevin Gutierrez, 22, walang trabaho ng Barangay San Juan Morong Rizal.
Base sa imbestigasyon ni Dela Vega, nangyari ang insidente sa may harap ng Edsa Toyota na matatagpuan sa may 1010 Edsa, Brgy. Ramon Magsaysay sa lungsod, ganap na alas 7:30 Biyernes ng gabi.
Sa pahayag ng mga guwardiya ng Edsa Toyota na sina Joan Canete, Dennis Depala, at Richard Landag, kasalukuyan silang naka-duty nang makita ang suspect na may bitbit na air gun at bigla na lamang pinaghahataw sa ulo ang biktima.
Agad namang ipinagbigay alam ng tatlong sekyu ang insidente sa barangay na agad namang rumesponde sa lugar at inabutan ang suspect na hawak pa ang air gun saka inaresto.
Isinugod naman sa Quezon City General Hospital ang biktima subalit binawian din ng buhay habang inoobserbahan ganap na alas 5:45 Sabado ng umaga.
Samantala, sinabi ni Dela Vega, na hindi naman sila pinayagan ng ospital na magsagawa ng cursory examination sa bangkay ng biktima kung kaya hindi nila matukoy kung ano ang tunay na mga natamong injury ng huli.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspect.