MANILA, Philippines – Sugatan ang umano’y biyenang babae ng kongresistang si Alfred Vargas matapos paghahampasin sa ulo ng acrylic glass stand ng isang babae sa loob ng isang bangko dahil lamang sa pagtatalo sa isang bakanteng upuan sa lungsod Quezon kamakalawa.
Ayon kay Supt. Marlou Martinez, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) station 7, ang suspect ay nakilalang si Cynthia Huang, 37, may-asawa ng 126 J. Ruiz St., San Juan City.
Si Huang ay inaresto base sa reklamo ng biktimang si Nerissa Espiritu, 64, biyuda, retiradong guro at residente sa room 1030 10th floor, Princeton condominium, Aurora Blvd, Brgy. Valencia sa lungsod at biyenan umano ni Cong. Vargas.
Sa pagsisiyasat ni PO2 Antonio Javier, nangyari ang insidente sa loob ng isang bangko sa Broadway, Aurora Blvd. ganap na alas-4 Miyerkules ng hapon.
Sabi ni Javier, base sa pahayag ng biktima nasa loob umano sila ng bangko at habang papunta sa bakanteng upuan sa may linya ng mga senior citizen ay bigla umanong sumulpot si Huang at umupo sa bakanteng upuan kaya kinompronta siya ng matanda.
Sa kainitan ng komprontasyon biglang binatukan ng suspect ang biktima at nang makita ito ng security guard ng bangko ay tinangka silang awatin.
Habang hawak ng sekyu ang matanda, ang suspect naman, nang makakuha ng tiyempo at armado ng acrylic glass leaflet holder/stand ay biglang pinaghahampas si Espiritu sa ulo dahilan para masugatan ito.
Ang insidente ay nakarating sa kaalaman ng PS7 at agad na rumisponde, pero naisugod na ang biktima sa UERM hospital.
Habang ang suspect na naiwan sa loob ng bangko ay hindi naman agad ibinigay ng management dito dahil hinihintay pa ang abogado nito. Alas-7 ng gabi nang dumating ang abogado ni Huang at saka pa lang siya lumabas ng bangko at nadala sa nasabing himpilan.
Narekober ng pulis na si PO1 Jarel Dave Gomez ang bagay na pinanghampas ni Huang sa matanda na may bahid pang dugo.
Sabi ni Supt. Martinez, kasong attempted homicide ang isinampa nila sa piskalya laban kay Huang.