MANILA, Philippines – Isang pasyente na nasa kritikal na kondisyon na dadalhin sana sa ospital ang nasawi matapos salpukin ng isang taxi ang sinasakyan nitong ambulansiya kahapon ng umaga sa Pasay City.
Natuluyan at dead on arrival sa San Juan de Dios Hospital ang biktimang si Robes Domingo Jr., 48, ng San Vicente, Santa Maria Bulacan.
Sugatan naman ang mga pasahero na sina Alvin Mesa, 47 at Alyssa Mae Mesa, 14, kapwa residente ng #4703 Rose St, Goodwill Subd., Barangay Tambo, Parañaque City at nilalapatan ng lunas ang mga ito sa Manila Adventist Hospital.
Nasa custody naman ng Pasay City Traffic Bureau, Pasay City Police ang driver ng taxi na si Henry George Agustin-Tolentino, 49, may asawa, nakatira sa #37-A Luna St., J.P. Rizal Extension, West Rembo, Makati City.
Sa pagsisiyasat ni SPO2 Marilou Sandrino, naganap ang insidente alas-7:15 ng umaga sa intersection ng J.W. Diokno Boulevard at Coral Way ng naturang lungsod.
Minamaneho ni Jonathan Panem, 27, taga #663-C, President Quirino Avenue, Malate, Manila ang ambulansiya at sakay nito ang biktima na dadalhin sa San Juan De Dios Hospital na nasa kritikal na kondisyon ito dahil sa sakit.
Habang binabagtas nila ang naturang lugar ay paparating ang isang humaharurot na Toyota Vios taxi na may plakang UVU-701, na minamaneho ni Tolentino.
Huli na bago nakontrol ni Tolentino ang preno hanggang sa binangga nito ang naturang ambulansiya at dahil sa aksidente ay nagtamo ng matinding pinsala si Domingo at hindi na ito nakarating ng buhay sa naturang ospital.
Kaagad na pinigil ng mga pulis ang driver ng taxi na si Tolentino at inihahanda na ang mga kasong isasampa rito.