MANILA, Philippines – Sampung kabahayan na pawang yari sa light materials ang naabo sa mismong araw ng Pasko sa Tondo, Maynila, kahapon ng hapon.
Sa ulat ng Manila Fire Bureau, dakong ala-1:33 ng hapon nang magsimulang sumiklab ang apoy na tumagal lamang ng halos 30 minuto at umabot ng ikatlong alarma.
Ang sunog ay nagsimula umano sa bahay ng isang Boy Reyes, kung saan nadamay pati ang mga katabing kabahayan sa Barangay 94, District 1, sa Nepumoceno panulukan ng Velasquez St., Tondo, na dahil sa pawang gawa sa kahoy at yero ay mabilis na natupok.
Tinatayang nasa P200,000 ang napinsalang ari-arian.
Patuloy pang inaalam ang sanhi ng sunog.