MANILA, Philippines - Matapang na idineklara kahapon ni Mayor Joseph Estrada na aayusin at gagamitan ng full force ng kanyang administrasyon ang usapin ng mga vendors at tumitinding trapik sa Maynila, katuwang ang PNP Special Weapons and Tactics (SWAT) operatives.
Pangunahin umanong pupuntiryahin ni Estrada ang mga illegal vendors at mga walang disiplinang motorista at pedestrians. Kaugnay nito ay palalakasin niya ang pangangasiwa ng vending and traffic sa pamamagitan ng pagpapatupad ng “Discipline Zones” sa ilang mga lugar.
Ang pinaigting na vending and traffic management na magpapatupad ng Discipline Zones scheme ay pangungunahan ng Team ng TFOV katuwang ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), MBB at lahat ng mga barangay ng Maynila, at buong suporta rito ang Manila Police District (MPD) at SWAT.
Mahigit 2,000 barangay volunteers aniya ang isasailalim sa masusing training para rito.
Inihayag pa niya na nais ni Estrada na unahin sa pinaigting na sistema ang kahabaan ng Recto Avenue papuntang Divisoria, na tinaguriang ‘Pambansang Palengke’ kung saan ay maraming mamimili ang dumadagsa laluna tuwing panahon ng kapaskuhan.
“Ang mga illegal vendors; hindi awtorisadong terminal ng jeepneys, tricycles at pedicabs; tambak ng basura; illegally-parked vehicles na pawang mga road obstructions ang pangunahing tatargetin ng team,” ayon pa kay Estrada.