MANILA, Philippines – Patay ang isang 22-anyos na helper nang madaganan ng salamin na kanilang dinidiskarga matapos humulagpos mula sa trak sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Ever Dances Rosselosa, binata at residente ng Block 13, Lot 8, NorthVille 2, A Canumay, Valenzuela City na namatay dahil sa pagkakadagan ng 47 piraso ng glass frame na may sukat na 7x7 at may kapal na .316 inches.
Isa pang hindi pa natukoy na pagkilanlan ng biktimang kapwa helper ang nabagsakan din subalit hindi pa natukoy ng mga awtoridad kung ano at saang ospitail itinakbo.
Sa ulat ni PO3 Michael Maraggun ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:30 ng hapon nitong Sabado (Disyembre 19) nang maganap ang insidente. sa World Trade Exchange Building na matatagpuan sa no. 215 Juan Luna St., Binondo, Maynila.
Sa imbestigasyon, sinabi ng driver ng Elf delivery truck na si Eduardo Aquino Fernandez, 43, family driver na suma sideline lang ang biktima at habang idinidiskarga mula sa truck ang mga salamin ay humulagpos ito at nagbagsakan sa gilid ng truck na dumagan sa biktima.
Nang makita umano na dumudulas na ay napatakbo din ang biktima subalit natapilok ito kaya inabot ng pagbagsak ng mga salamin ang kaniyang katawan kaya nadaganan ito at sa tuloy-tuloy na pagbagsak ng mga salamin ay nagkadurog-durog sa kaniyang katawan.
Nabatid umano na empleyado ng isang glass supplier sa nasabing building kundi kinontrata lamang ang truck at mga helper para ideliber at buhatin ang mga salamin.
Katunayan ay hindi aniya, nila kilala ang isa pang biktimang nasugatan din dahil kinuha lamang umano ang serbisyo nito para sa partikular na delivery lamang at siya ay nag-sideline lamang para magmaneho.