MANILA, Philippines – Umabot sa 27 pirasong ibat-ibang uri ng matataas na kalibre ng armas, mga bala at radio communications ang nasamsam ng Quezon City Police District sa isinagawang buy-bust operation sa may Santolan Road malapit sa Camp Crame, kamakalawa ng gabi.
Sa isang press conference sa Camp Karingal, ipinakita sa media ang sangkaterbang nakuhang mga baril na kanilang nasamsam na kinabibilangan ng isang M-16 armalite assault rifle, limang shotgun, isang caliber .45 pistol, 20 caliber .38 revolver, 4 two-way handheld radio, mga bala ng ibat-ibang uri ng baril, anim na cellular phones at iba pa.
Ayon kay QCPD director Chief Supt Edgardo Tinio, arestado ang apat na katao sa isinagawang operasyon kabilang na ang mga kinilalang sina Carlo Estoya, 41, isang private security officer, Eduardo Obra, 57, assistant manager at siyang nangungupahan sa sinalakay na bahay ng sindikato at mga househelp na sina Ryan Quimanhan at Benky Payla.
Sinabi ni Tinio itinatago bilang isang lehitimong wholesaler ng packaging materials ang business company na Tin Wo Rock Enterprises ang lugar.
Nag-ugat ang pagkakatimbog sa operasyon ng sindikato matapos makatanggap ng tip ang mga awtoridad tungkol sa nagaganap na bentahan ng caliber .45 pistol na P40,000 sa naturang bahay.
Agad ikinasa ang isang buy bust operation ng mga tauhan ng District Special Operations Unit sa pamumuno ni Supt. Jay Agcaoili at natunton sa kuta ng mga kawatan ang iba pang mga armas at bala.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Quezon City police na 10-taon nang nag-o-operate sa pagbebenta ng mga baril at bala ang sindikato na nakakakuha pa ng lahat ng business requirements para sa isang lehitimong negosyo.