QC fire: 9 patay, 7 sugatan

Binalikan ng mga residente ang kanilang mga naabong bahay para maghanap pa ng pwedeng maisalba o mapakinabangan. Siyam katao ang nasawi sa naganap na sunog na ito sa Brgy. Damayang Lagi sa lungsod Quezon. Michael Varcas

MANILA, Philippines - Siyam katao ang nasawi habang pito pa ang iniulat na nasugatan matapos su­mik­lab ang sunog na sanhi umano ng short circuit sa isang barangay sa lungsod Quezon, kahapon ng mada­ling araw.

Ayon kay Senior Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, kinilala ang mga nasawi na sina Ashley Bulalacao, 2-anyos; Juralyn Bulalacao, 25; Maria Victoria dela Cruz; Omar Gomez, 27; Paul Gomez, 54; Glaiza Gomez, 22; Louie Gomez, 7; Mary Ann dela Cruz, 40; at Elevira dela Cruz, 13.

Habang ang mga suga­tan naman ay sina Lino Iglo­pas, 56, na nagtamo ng 2nd degree burn sa balikat at kaliwang paa; FO3 Florian Almonte, 1st degree burn naman sa kanang siko; Danny Dalimpines, 66 na nagtamo ng 2nd degree burn sa kaliwang braso at siko; Mark Micheal Villaraiz, 31, galos sa kaliwang hita at nabali ang kanyang kaliwang paa; Francis Borleo, 20, galos sa kaliwang hita at maliit na paso sa kaliwang balikat; Dante Dalumpines, 30, 1st degree burn sa batok at pulso; at Leo­nal Garcia, 64, mga paso sa kaliwa at kanang hita at hiwa sa paa.

Sabi ni Fernandez, pa­wang sunog na sunog ang mga nasawi na halos hindi na makilala.

Sa imbestigasyon ng BFP, nangyari ang insidente sa may 12th St., Brgy. Da­mayan Lagi, ganap na alas- 12 ng madaling araw partikular sa tatlong palapag na bahay na pag-aari ng isang Elsa Jama.

Sabi ni Fernandez, posibleng mula sa jumper ng kuryente nagmula ang apoy  na  nag-short circuit at nag-overload kaya sumiklab.

Dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay kung kaya mabilis na   kumalat ang apoy hanggang sa tuluyang madamay ang mga kadikit na bahay.

Pasado alas-3 ng mada­ling araw nang ideklarang fire out ang sunog na uma­bot lamang sa ikalawang alarma. Sa isinagawang  mopping operation ay doon natuklasan ang mga sunog na bangkay ng mga biktima.

Nasa 50 bahay ang na­abo sa sunog at umabot sa 120 pamilya ang nawalan ng tirahan, habang tinata­yang aabot sa P250,000 ang ha­laga ng ari-ariang na­abo rito. Sa kasalukuyan, pa­tuloy ang imbestigasyon ng BFP sa nasabing insidente.

Show comments