MANILA, Philippines – Isang 41-anyos na babae ang nasawi sa isang oras na sunog na naganap sa Sta. Ana, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat mula sa tanggapan ni P/Supt. Robert Domingo, ng Manila Police District-station 5, dakong alas-7:40 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa isang residential/commercial building na pag-aari ng isang Julie Ann Zamora, 48, ng Tejeron St., Sta, Ana.
Sa ulat naman ng Manila Fire Bureau, nagsimula ang sunog sa kisame ng bahay sa unang palapag at dakong alas 8:16 ng gabi nang ideklarang fire under control at alas-8:40 nang ideklarang fire-out na.
Nang mapasok ang nasunog na gusali ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), dito na nila nadiskubreng patay ang biktimang si Maribel Zamora, kapatid ni Julie Ann.
Nasa P300,000 ang sinasabing napinsalang ari-arian at wala namang nadamay na katabing bahay.
Samantala, dakong ala-1:47 ng mada-ling-araw kahapon nang sumiklab ang isa pang sunog sa Gonzales St., Ermita, sa unit umano ng isang Atty. Cipriano Farrales, 81.
Iniakyat sa ikalawang alarma ang sunog at naideklara namang fire out pagsapit ng alas-2:00 ng madaling-araw.
Dalawa ang naitalang nasaktan sa nasabing sunog na nakilalang sina Froilan delos Reyes, 17, at Kenny Rose delos Reyes, 19, na nagtamo ng minor burns.
Patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog.